Wisdom of Life

FULL TRANSCRIPT: Ulat sa Bayan ng Punong Bayan Nelianto C. Bihasa

ULAT SA BAYAN(State of the Municipality Address) NG PUNONG BAYAN NELIANTO C. BIHASA


Sa Kagalanggalang na Sangguniang Bayan, sa pamumuno ng kanilang Tagapangulo at Pangalawang Punong Bayan, Karen G. Angara-Ularan at sa mga miyembro ng Kagalang-galang na Sangguniang Bayan, hayaan po ninyo na sila ay aking batiin isa-isa: Kgg. Pedro Fernando D. Valenzuela, Kgg. Danilo M. Ong, Kgg. Gina T. Ritual, Kgg. Reynaldo E. Mapindan, Kgg. Noel P. Go, Kgg. Gina Z. Agapito, Kgg. Ramil DS. Duaso, Kgg. Meinrado C. Tropicales at Kgg. Felipe M. Friginal, ang Tagapangulo ng Liga ng mga Barangay.

Ganun din ang ating mga Punong Barangay na narito, Kgg. Alejandro P. Zafra ng Barangay 01, Kgg. Robin T. Licad ng Barangay 02, Kgg. Warren A. Querijero ng Barangay 03, Kgg. Anthony B. Maniaol ng Brgy. 04, Kgg. Armando C. Bihasa, Jr. ng Barangay 05, Kgg. Ellah Cherryl G. Villacorte ng Brgy. Calabuanan, Kgg. Domino E. Bernalte ng Brgy. Obligacion, Kgg. Lysander R. Querijero ng Brgy. Pingit, Kgg. Michael G. Valenzuela ng Brgy. Reserva, Kgg. Benedict R. Isaguirre ng Brgy. Sabang, Kgg. Carlito S. Morillo ng Brgy. Suklayin at Kgg. Jose Q. Amatorio ng Brgy. Zabali, gayundin sa mga miyembro ng Sangguniang Barangay.

Ang mga pinuno at kawani ng national government agencies; mga minamahal na panauhin sa pribadong sektor; mga kasamahan kong lingkod-bayan lalo na ang mga pinuno at kawani ng iba’t-ibang tanggapan sa ating Pamahalaang Bayan; sa aking minamahal na ama na si G. Armando V. Bihasa, ganun din sa aking mga kapatid, sa aking pinaka-mamahal at pinaka-supportive na may-bahay, Gng. Jovic C. Bihasa at sa aming mga anak, mga kaibigan, panauhin at mga minamahal kong kababayan, magandang umaga po sa inyong lahat.

. . sa aking minamahal na ama na si tatay Armando Valenzuela Bihasa, ganun din sa aking mga kapatid, sa aking pinaka-mamahal at ever-supportive na may-bahay, Gng. Jovic Cabuyoc Bihasa at sa aming mga anak, mga kaibigan, panauhin at mga minamahal kong kababayan, magandang umaga po sa inyong lahat.

Hayaan nyo pong aking iulat ang kasalukuyang kalalagayan ng ating bayan sa loob ng nakaraang higit dalawang taon ng aking panunungkulan, ganun din ang iba’t-ibang programa at mga pagawain na nais pang ipatupad sa mga darating na panahon.

Bilang tumatayong ama ng ating bayan, nais kong patuloy na masiguro ang pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan. Ito ay sa kabila ng maraming pagsubok na kinakaharap ang ating pamahalaan, subalit hindi ito naging hadlang upang tayo ay gumawa ng mga programa o proyekto para maisakatuparan natin ang ating misyon at hangaring mabigyan ng maayos at magandang pamumuhay ang mamamayan sa Bayan ng Baler.

Hayaan po ninyong ilahad ko ang ating mga programa at proyektong naisagawa at gagawin pa sa ilalim ng ating LGU Baler Development Agenda ang SOAR HIGH BALER! Ito po ay ang sumusunod:

S – for Sustainable Basic Services
O – for Opportunities for Livelihood
A – for Agriculture Productivity and Environment Protection
R – for Revenue Generating Measures to Intensify
H – for Health Care Facilities to Establish
I – for Improvement of Infrastructure,
Promotion of Tourism and Investment
G – for Good Governance, at
H – for Human Development.

Para sa SUSTAINABLE BASIC SERVICES

Sa Civil Registration

Ang aking unang minuto, unang oras sa unang araw ng aking panunungkulan bilang punong bayan noong 2013 ay ginugol ko sa pag-buo ng mga pamilya, sapagkat naniniwala ako na ang isang maunlad na bayan na tulad ng sa atin ay binubuo ng maunlad na mga barangay, na binubuo din ng maunlad at buong pamilya. Tayo po ay nagsagawa ng libreng kasalang bayan sa mga pamilya na nagsasama na walang basbas ng kasal kasama ang tanggapan ng Municipal Civil Registrar, MSWDO, POPCOM at ang NSO.

Ang programang ito na libreng kasalan ay patuloy at palagiang isinasagawa ng aking tanggapan, sa katunayan po ay may naikasal tayong humigit kumulang Dalawang Daang (200) pares ng mga magsing-irog.

Nilagdaan ko din ang isang programa ng Tanggapan ng Civil Registrar na ang layunin ay magkaroon ng one hundred percent (100%) registration ng mga kapanganakan, kasal at kamatayan na kung saan ay nakapag pasa ang Sangguniang Bayan ng isang ordinansa na lumikha sa Barangay Civil Registration Council na siyang magiging gabay sa paglulunsad ng Civil Registration Caravan na ang layunin ay alamin ang estado ng civil registration sa bawat tahanan at sa bawat purok ng bawat barangay.

Dahil sa programang ito, ang Pamahalaang Bayan ng Baler ay nakapamigay ng halos Dalawampung Libong (20,000) libreng dokumento na kinabibilangan ng mga birth, marriage and death certificates na umaabot sa halos dalawang milyong piso (P2,000,000.00) sa mahigit na pitong libong (7,000) kabahayan na nasasakupan ng seventy-two (72) na purok sa labing tatlong (13) barangay.

Patuloy din ang pagsasagawa ng mga information campaign at symposium sa mga barangay, eskwelahan at ng mga tanggapang nasyonal ukol sa mga bagong batas na may kaugnayan sa Civil Registration System.

Lubos ko pong ipinagmamalaki ang Tanggapan ng Civil Registrar dito sa ating Bayan ng Baler sa pangunguna ni G. Efren C. Abion sa kanilang walang kapagurang pagbibigay ng serbisyo at higit sa lahat ay sa pananatili nila bilang isa sa Pinakamahusay na Civil Registrars Office sa buong Pilipinas sa loob ng labing isang (11) sunud-sunod na taon mula pa nung tayo ay nasa Region 4 hanggang ngayun andito na tayo sa Region 3.

Sa Programa para sa Kapakanang Panlipunan at Kaunlaran

Gaya nga ng aking nabanggit, na mahalaga sa atin ang pamilya. Kaya nais kong masiguro na ang bawat pamilya ay magkaroon ng maayos na tahanan. Nagagagalak ko pong ibalita sa inyo na tayo po ay pinagkalooban ng National Housing Authority (NHA) ng Labing Dalawang Milyong Piso (Php 12M) para sa ating housing project na sa kasalukuyang isinasagawa sa ating napiling lugar sa Ilaya, Sitio Cemento, Barangay Zabali. Ito po ay makakapagpatayo ng one hundred (100) na kabahayan upang magsilbing resettlement area ng ating mga kababayang walang tahanan.

Bukod po sa twelve million (Php 12M), ay nagkaloob pa rin ang NHA ng halagang Seven Million Five Hundred Thousand Pesos (Php 7.5M) sa ilalim ng Housing Materials Assistance Program para sa may One Thousand Five Hundred (1,500) na pamilya na biktima ng bagyong Nona at Lando.

Sa pangunguna po ng ating Municipal Social Welfare and Development Office, tayo ay nakapapagpatuloy ng supplemental feeding program sa loob ng four (4) cycle implementation. Nabiyayaan po ng nasabing programa ang One Thousand Seven Hundred (1,700) na mga batang nagmula sa thirty-two (32) Day Care Centers at apat (4) na Supervised Neighborhood Play. Ang pondo na nanggaling sa DSWD para sa supplementeal feeding ay nagkakahalaga ng higit Pitong Milyong Piso (Php 7M) at nakatulong bilang karagdagang suporta sa ating mga kabataan para sa masusutansyang pagkain.

Malugod ko din pong ipinababatid na noong nakaraan buwan ng Nobyembre ang Bayan ng Baler ay ginawaran ng Seal of Child-Friendly Local Governance ng Council for the Welfare of Children na pinangungunahan ng ating DSWD at DILG Secretaries. Ang parangal pong ito ay nagpapatunay na ang ating bayan ay patuloy na nagtataguyod ng karapatan ng mga kabataan para mabuhay, malinang, maprotektahan at makiisa.

Para po sa ating mga nakatatanda, tayo ay may two hundred ninety-five (295) na mga indigent senior citizens na regular na pinagkakalooban ng social pension na nagkakahalaga ng limang daang piso (P500.00) kada buwan. Ang nasabing pondo po ay galing sa DSWD na may kabuuang halagang higit One Million Seven Hundred Thousand pesos (Php 1.7M) nitong nakarang taon. Nabigyan din po ng one-time pension ang eighty-five (85) na mga senior citizens mula sa BUB Fund na nagkakahalaga ng Five thousand pesos (P5,000.00) bawat isa at may ninety-two (92) senior citizens na nakatanggap mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora.

Para sa ating mga kababaihan, tayo po ay patuloy na sumusuporta sa adbokasiya ng women empowerment at gender sensitivity sa pamamagitan ng pagpapalakas sa samahan ng mga kababaihan gaya ng KALIPI sa bawat barangay. Binigyan din po natin ng tulong puhunan ang may one hundred ninety-three (193) na kababaihan upang magkaroon sila ng pagkakakitaan para sa kanilang pamilya. Ang kabuuang pondo po nito ay nagkakahalaga ng higit sa Isang Milyong Piso (Php 1M).

Ang ating pamahalaang bayan ay nakapagpatala through online registration ng two hundred ninety-seven (297) person with disability upang sila ay mabigyan ng espesyal na benepisyo at pribilehiyo.
Tayo din po ay nakapagbigay sa Two hundred sixty-six (266) katao para sa Cash for Work Program at ito po ay nagkakahalaga ng Six hundred seventy thousand pesos (P670,000.00).

Sa loob po ng higit dalawang taon ay nakapagbigay tayo ng tulong pinansyal sa may 800 mga kababayang nangangailangan. Ito po ay nagkakahalaga ng higit Seven Hundred Thousand Pesos (Php 700T) sa ilalim ng Aid to Individual in Crisis Situation o AICS.

Sa kasalukuyan mayroon tayong 982 pamilya na beneficiaries ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program na ang pondo nito ay umaabot sa higit Labing-Limang Milyong Piso (Php15M). Layunin nitong mapataas ang pamumuhay ng ating mga kababayang na nangangailangan.

Bagamat nitong nakaraang taon, tayo po ay nasalanta ng iba’t-ibang kalamidad tulad ng bagyong Lando at baha dulot ng bagyong Nona, ay patuloy tayong bumabangon mula sa pinsalang dulot nito. Ito ay sa pamamagitan ng mga tulong mula sa iba’t-ibang ahensya ng ating pamahalaan gayundin mula sa mga pribadong sektor o samahan.

Sa pamamagitan po ng DSWD tayo ay nakapagbigay ng Emergency Shelter Assistance sa may two thousand three hundred ninety-four (2,394) families na nasiraan ng tahanan. Ang nasabi pong assistance ay nagkakahalaga ng Thirty-seven million pesos (Php 37M). Nagkaloob din po tayo ng Core Shelter Financial Assistance mula sa ating BUB Fund sa 85 na pamilya na naapektuhan din ng mga nakaraang bagyo.

Sa Disaster Operation at Relief Distribution ay nakapagbigay tayo ng agarang tulong sa higit na anim na libong (6,000) pamilya mula sa pondo ng ating Pamahalaang Bayan na nagkakahalaga ng Eight Hundred Thousand Pesos (Php 800T). Namahagi din po tayo ng mga non-food items gaya ng kumot, kulambo at mga gamit sa pagluluto sa mga apektadong pamilya na binaha noong December 16.

Nagkaloob din po ang DSWD ng 7,600 family food packs at ang lahat pong ito ay ating naipamigay sa ating mga kababayan. Gayun din, namahagi rin po tayo ng 700 na pirasong tolda para po sa madaliang bubong ng mga nasirang bahay at 400 na pirasong hygiene kit.

Ang atin pong MSWDO sa pangunguna ni Gng. Yolanda F. Angara ay naging kaagapay ng inyong lingkod sa lahat ng ating relief operations kasama po ang ating mga local at barangay officials. Batid ko po ang kanilang pagod at hirap, wala pong araw at gabi sa kanila. Sa kabila ng anumang pag-uusig, paninira at reklamo ay hindi po nila ito pinansin bagkus sila ay patuloy na tumupad sa tawag ng tungkulin at dedikasyon para makatulong sa ating mga kababayan.

Para sa Programang Pang-edukasyon

Ako ay naniniwala na ang pinakamabisang sandata laban sa kahirapan ay ang pagkakaroon ng edukasyon at tamang kaalaman. Kaya naman patuloy ang ating pagpupursigi na mapalawak ang pagkakataon para sa magandang edukasyon ng ating mga kabataan, lalo na ang mga nagmula sa mahihirap na pamilya.

Ang Pamahalaang Bayan po ay naglaan ng pondo para sa Special Education Fund (SEF) ng higit Limang Milyong Piso (Php 5.7M). Ito po ay para sa operasyon ng ating mga pampublikong paaralan, pagtatayo at pagsasaayos ng mga gusali at mga pasilidad, at para sa patuloy na pagpapaunlad ng ating edukasyon at palakasan kasama din ang library sevices.

Sa pamamagitan ng ating SEF, tayo ay nakapagdadag ng eleven (11) elementary at secondary teachers at dalawang (2) district clerks, upang matugunan ang problema sa kakulangan ng mga guro at mga tauhan sa ating distrito.

Ganun din, nagbigay po tayo ng computer laptop sa lahat ng mga punong guro upang mayroon silang magamit sa kanilang paaralan. Patuloy din po tayong sumusuporta sa kanilang mga programa gaya ng “Brigada Eskwela” na ginaganap tuwing bago magsimula ang klase. Tayo po ay nakikiisa sa gawaing ito sapagkat naipapakita nito ang pagbabayanihan ng bawat mamamayan upang mapanatili ang kalinisan at pagpapaganda ng kapaligiran ng ating mga paaralan.

Atin din pong sinusuportahan ang Alternative Learning System sa pamamagitan ng patuloy na Accreditation Program; at sa loob ng higit dalawang taon ay mayroong 320 na kabataan ang nakapagtapos sa mga programa gaya ng Basic Literacy at Continuing Education para sa elementary at secondary.

Dahil din sa maayos na ugnayan ng lokal na pamahaalan at ng pamunuan ng Baler District ay patuloy nating naitaas ang antas hindi lamang sa larangan ng edukasyon kundi maging sa larangan ng isports. Ikinagagalak kong sabihin na sa loob ng dalawang sunod na taon naging Kampeon ang Bayan ng Baler sa Aurora Provincial Athletic Meet. Ito po ay nagbibigay ng motibasyon sa ating mga kabataan na lalo nilang pagbutihin ang kanilang pag-aaral kasabay ng paglinang sa kanilang mga kakayahan.

Ipinagpapatuloy din natin ang pagbibigay ng scholarship grant sa tatlong mahihirap subalit deserving students ng University of the Philippines – School of Health Sciences dito sa Baler Campus.

Ang atin din pong Pambayang Aklatan ay patuloy na nagdadagdag ng mga makabagong aklat at mga babasahin. Patuloy din po nating ipingdiriwang ang National Library Week na kung saan nilalahukan ng ating mga mag-aaral mula elementarya at sekondarya.

Dumako po tayo sa Peace, Order and Public Safety

Sa usapin naman ng pamamahala sa kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng ating komunidad, ang inyo pong lingkod ay personal na sumusubaybay dito. Kaya, patuloy ang aking pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng ating Philippine National Police ganun din sa ating Philippine Army. Regular din ang pagpapatawag natin ng pulong sa ating Municipal Peace and Order Council upang makapagbuo ng mga plano at masiguro na patuloy na naipapatupad ang mga batas patungkol sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa ating bayan.

Ayon po sa tala ng ating kapulisan, ang miyembro ng PNP na pinangungunaha ni Chief Jaime T. La Pena na nakatalaga sa Baler ay limampu’t tatlo (53). Sabi ng iba, kakambal raw ng pag-unlad ang pagdami ng krimen. Sa ganang akin naman, hindi magiging ganap at mawawalang saysay ang lahat ng ating nakakamit na kaunlaran kung mawawala ang kapayapaan sa ating pamayanan.

Minarapat po natin na madagdagan ang Community Police Assistance Center o COMPAC, isa po sa Brgy. Suklayin at may bagong tayong gusali sa Brgy. Reserva, ito ay para sa maigting na police visibility. Tayo din po ay nabiyayaan ng bagong patrol jeep at motorsiklo mula sa DILG at naglaan din ang ating pamahalaang bayan ng tig-walong (8) units na handheld radio para sa PNP at BFP. Layon po nitong mapabilis ang ang komunikasyon at pakikipag-ugnayan. Dahil dito, noong nakaraang taon ang atin pong kapulisan ay nakaresolba ng halos tatlong daang (300) krimen.

Isa din po sa binigyang prayoridad natin ay ang paglalagay ng mga CCTV Cameras sa ating Executive at Legislative Buildings, Municipal Plaza, sa ating Quezon Park, maging sa ating Pamilihang Bayan at ilang pangunahing lansangan. Ito ay bente-kwatro (24) oras na gumagana. Ito ay kinakailangan natin sa kasalukuyan upang maiwasan ang mga masasamang gawain, ganun din ito ay maging instrumento sa paglutas ng mga kaso ng kriminalidad.

Para naman po sa ating Fire Safety Protection sa pangunguna ni SFO2 Ma. Leah A. Sajili, ang atin pong Bureau of Fire ay regular na nagsasagawa ng mga fire safety awareness campaign lalu na po sa panahon ngayun na pinagdiriwang ang Fire Prevention Month. Pinaigting din po ang pagiinspeksyon sa ating mga establisyemento mula sa pagtatayo ng gusali hanggang sa operasyon nito. Layon po nitong siguruhin ang kaligtasan at maiwasan ang anumang sakuna na makakaapekto sa ating mga kababayan. Tayo din po ay napagkalooban ng bagong fire truck ng DILG. Ito po ay ating lubos na pinasasalamatan upang mayroon na tayong maayos na kagamitan sa oras ng pangangailangan.

Dapat nating pag-ibayuhin ang pagpapanatili ng katahimikan at katiwasayan dito sa ating bayan, mahalaga ang pagtutulungan ng bawat sektor ng ating lipunan, hindi lamang po ng ating mga kapulisan o ng mga sundalo, ganun din maging ang mga barangay at ang komunidad sa kabuuan.

Para naman sa Disaster Risk Reduction Management

Ang ating bayan maliban sa larangan ng turismo ay kilala bilang isang pamayanang lantad sa mga kalamidad. Bago natapos ang taong 2015 ay nakaranas tayo ng dalawang magkasunod na malakas na bagyo na nagdulot sa atin ng matinding pagbaha. Tunay po na ang takbo at galaw ng panahon ay hindi natin mapipigilan subalit maaari nating maiwasan o mabawasan ang matinding epekto nito sa ating bayan, higit sa lahat dapat nating mapangalagaan ang buhay at ari-arian ng ating mga mamamayan.

Sa unang taon din ng aking panunungkulan ay binigyang prayoridad ko ang pagtatalaga ng isang tanggapan . . ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office na pinamumunuan ng mga taong may sapat na kakayahan sa pagtugon sa oras ng mga kalamidad at iba pang emergency situations.

Sa pamamagitan din ng ating MDRRMC ay nabalangkas natin ang ating 3-year Local Disaster Risk Reduction Management Plan, Contigency Plan at Local Climate Change Action Plan sa level ng barangay at munisipyo. Naglaan din po tayo ng pondo na may halagang One million three hundred thousand pesos (Php1.3M) para sa revision at updating ng ating Comprehensive Land Use Plan.

Para lalong maging mabilis ang pagkilos ng ating pamahalaang lokal, minabuti po nating bumili ng mga heavy equipments na magagamit hindi lamang para sa mga pagawaing bayan ngunit higit ito ay ating magamit sa paghahanda sa panahon ng kalamidad. Sa pamamagitan nito, ang mga pangunahing ilog at mga daluyan ng tubig sa mga barangay gaya ng Buhangin, Brgy. 05, Pingit, Suklayin at Obligacion ay ating pinalinis at pinalalim upang mabawasan ang pagtaas ng tubig lalo na sa panahon ng tag-ulan.

Patuloy din po tayung nagdadagdag ng mga kagamitan para sa disaster response gaya ng mga salbabida, life vests, handheld radio at noong nakaraang taon po mula sa ating calamity fund ay nakabili tayo ng rescue vehicle. Ito po ay naging kapaki-pakinabang lalo na sa pagresponde sa mga aksidente o mga kalamidad. Ang ating pong Pamahalaang Panlalawigan ay nagkaloob din sa atin ng isang flexi truck.

Nagsasagawa po ng mga pagsasanay sa labing-tatlong (13) barangay ukol sa paghahanda at mabilisang pagtugon sa mga sakuna at kalamidad.

Sa pangunguna din po ng ating MDRRMO ay naglagay tayo ng mga flood markers o life saving colors sa mga poste at puno bilang babala sa ating mga kababayan na maging alerto sa pagtaas ng tubig baha. Ganun din, naglagay ng IP cameras sa ilalim ng proyekto ng PAGASA sa Brgy. Sabang para mamonitor ang tabing-dagat at ang panahon; at nglagay din ng mga gale warning device na syang magsasabi kung malakas ang hangin sa laot at mabigyan ng babala ang ating mga mangingisda.

Tayo din po ay mapalad na napagkalooban ng pamahalaang nasyonal sa pamamagitan ng DPWH ng dalawang evacuation centers at ito po ay matatagpuan sa Aurora National Science High School compound at sa tabi po ng ating Rural Health Unit sa Sitio Dupax, Brgy. Suklayin.

Ganito din pong panahon noong nakaraang taon, nang ang ating bayan ay nasa ilalim ng Super Typhoon Chedeng, kung saan panahon ng Mahal na Araw ay dagsa ang maraming turista. Ang inyong lingkod ay nagpalabas ng isang direktiba para sa pre-emptive at force evacuation para sa kaligtasan ng ating mga kababayan at ng mga turista. Dahil dito, pinapurihan tayo ng national government sa pamamagitan ng DILG, mga pribadong samahan at mga indibidwal kaya ito po ay ipinagmamalaki natin na isa sa mga “best practices” ng ating pamahalaang bayan.

Naipagmamalaki po natin ang ating MDRRMO sa pangunguna ni G. Gabriel C. Llave dahil sa kabila ng limitasyon sa ating mga kagamitan at pasilidad ay nakakasabay po tayo sa mga malalaking bayan pagdating sa ating rescue operations. Sa katunayan po ay, naging over-all champion ang Bayan ng Baler sa 7th Water Rescue Olympics na isinagawa ng Office of the Civil Defense.

Nais ko din pong magpasalamat sa ating mga barangay officials sa kanilang pakikipag-ugnayan at pagtalima sa ating panawagan tuwing may pagbabanta ang masamang panahon. Naging maayos at mabilis ang ating mga pagkilos. Ganun din, ang mga pribadong samahan at iba pang sangay ng ating pamahalaan na parati pong andiyan at handang tumulong sa mga panahong may bagyo at kalamidad.

Dumako naman po tayo sa OPPORTUNITIES FOR LIVELIHOOD

Isa pa din sa pangunahing concern ng ating pamahalaang lokal ay ang mapataas ang antas ng pamumuhay ng mamamayan sa pamamagitan ng paglinang sa kanilang mga kakayahan. Maliban sa ating mga programang pangkabuhayan, tayo din ay nakipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para matugunan ang mga problema sa kahirapan at ilan pang suliraning panlipunan.

Ang pag-unlad ng turismo sa ating bayan ay nagsisilbing oportunidad sa ating mga kababayan. Madaming nagkaroon ng hanap-buhay. Sa katunayan nga po 15 pesos na ang presyo ng PAKO tuwing bakasyon. Ang Municipal Tourism Office ay nagsagawa ng mga pagsasanay sa Tourguiding at ito ay dinaluhan ng mga Out of School Youth, mga magulang na walang hanap-buhay at mga tricycle drivers upang matugunan ang pangangailangan sa mga tour guides. Sa kasalukuyan po ay may apatnapu’t apat (44) na tour guides at one hundred thirty-two (132) trikeguides na rehistrado sa ating pamahalaang lokal.

Sa ilalim din po ng Bottom Up Budgeting at sa pakikipag-ugnayan natin sa Department of Trade & Industry ay magbibigay tayo ng suporta sa ating mga micro, small and medium enterprises (MSME). Ito po ay ang pagbibigay ng mga skills training, business management at value chain seminars at product development and label improvement mentoring. Gusto din po nating makasabay ang ating mga MSMEs partikular ang mga souvenir shops at mga hotels at transient operator sa makabagong pamamaraan ng pagpapakilala ng kanilang mga negosyo sa ating social media o internet. Kaya tayo po ay nagsagawa ng E-Commerce/Digital Marketing Appreciation Seminar-Workshop na dinaluhan ng may tatlumpung (30) entrepreneurs.

Ang atin din pong pamahalaang lokal ay nakapagbigay ng tulong sa pamamagitan ng Special Program for Employment for Students o SPES sa may dalawang daang (200) kabataan at nakapaglaan po tayo ng pondo para sa nasabing programa ng higit anim na daang libong piso (P600,000.00)

Sa pakikipag-ugnayan din po natin sa Department of Labor and Employment o DOLE tayo po ay may limampung (50) kababayan na nakapasok sa Tulong Pangkabuhayan Sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD Program.

Sa pamamagitan din ng ating Public Employment Services Office (PESO) ay patuloy na nakakapagsagawa ng Special Recruitment Authority ang mga agencies upang makatulong sa ating mga kababayan na nagnanais makapagtrabaho sa ibang bansa.

Para naman sa AGRICULTURAL PRODUCTIVITY AND ENVIRONMENTAL PROTECTION

Para sa Pang-Agrikultura

Ang ating bayan ay nabiyayaan ng mayamang likas yaman, dahil dito, ang pangunahing hanap-buhay ng ating mga kababayan ay pag-sasaka at pangingisda. Nais nating maipadama sa kanila na sila ay may mahalagang bahaging ginagampanan sa ating lipunan. Sabi nga, malaki ang utang na loob natin sa sektor ng agrikultura dahil dugo at pawis ang kanilang puhunan upang tayo ay magkaroon ng pagkain sa araw-araw.

Sa katunayan, sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office sa pangunguna ni Gng. Susana F. Rutaquio, tayo ay patuloy na nagbibigay sa ating mga magsasaka ng panimulang punla nila. Kaya bilang tulong ay nagkaloob tayo ng libreng punla sa one hundred eighty-eight (188) na magsasaka sa ilalim ng proyektong Community Seed Banking.

Ang pamahalaang lokal po ay nakapagpatayo ng Spring Development Project sa Brgy. Calabuanan. Halos limampu’t-limang (55) ektarya ng palayan ang naseserbisyohan at halos apatnapung (40) magsasaka ang nakikinabang. Ganun din sa ilalim ng BUB Fund ay naisagawa ang concreting ng irrigation canal lining sa Brgy. Pingit na may lawak din limampung (50) ektarya ang kaya nitong patubigan na nagkakahalaga ng limang daang libong piso (Php 500,000.00)

Nagkaloob din po tayo sa ating mga magsasaka sa ilalim ng Livelihood Assistance Dispersal Program ng mga alagang hayop. Ito po ay sa pakikipag-ugnayan natin sa Provincial Veterinary Office.

Tuluy-tuloy din ang pagpapalakas natin sa ating mga kababayang mangingisda. Ang ating MFARMC ay aktibo sa pakikipag-ugnayan sa inyong lingkod upang malaman natin ang kanilang mga pangangailangan na dapat matugunan. Kaya noong nakaraang taon po ay nakapagbigay tayo ng mga makinarya ng bangka at mga kagamitan sa ating mga mangingisda ng Brgy. Sabang, Zabali, Pingit at Buhangin. Pinagkaloob din po sila ng life vests upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

Para naman masustena ang dami ng isda at alimango sa ating mga communal waters, tayo ay nagpakawala ng Sampung Libong (10,000) Tilapia finglerlings sa Kinalapan River at Dalawang Libong (2,000) crablets sa mga brackish water ng Zabali at Buhangin. Ganun din, tayo po ay nagkaloob ng humigit-kumulang na walumpung libong (80,000) piraso ng tilapia fingerlings sa labing-siyam (19) na backyard fishpond raisers.

Patuloy pa ding isinasagawa ang On Line Registration o FishR para sa mga mangingisda kung saan naglalayon itong matukoy ang kabuuang bilang ng populasyon hindi lamang ng mangingisda kundi lahat ng may kaugnayan sa industriya ng pangisdaan. Sa kabuuan, may bilang na one thousand six hundred ninety-one (1,691) mangingisda ang nakarehistro sa FishR hanggang Disyembre ng 2015.

Binibigyang pansin din natin ang pagsasagawa ng mga pagsasanay, seminars at technology transfer upang mapalakas natin ang iba’t-ibang samahan mula sa grupo ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan at young farmers. Mayroon po tayong dalawampu’t-anim (26) na student-farmers na nagtapos sa ilalim ng Farm Business School at nagsanay po sila sa loob ng anim na buwan.

Para sa Pangangalaga sa Kalikasan

Layunin ng pamahalaang bayan na kayo ay mabigyan ng isang maayos at malinis na pamayanan, kaya nga po sa pamamagitan ng MENRO sa pangunguna ni Gng. Ma. Liza V. Costa at sa suporta nyong lahat ay patuloy na nagpapatupad ng mga regulasyon, batas at mga gawaing pangkalikasan at pinapatawan ng kaukulang parusa ang mga lumalabag dito.

Batid ko na isa sa mga isyu sa ating pamahalaan ay ang tungkol sa basura. Pero hindi lamang po sa ating bayan may problema sa basura. Ang solid waste management ay problema ng buong bansa. Kaalinsabay ng pagdagsa ng mga turista at pagdami ng tao ay ang pagdami din ng basura. Sa kasalukuyan ay wala pa tayong Sanitary landfill, ngunit sa pamamagitan ng lupang ibibigay o idodonate sa atin ng pamahalaang panlalawigan ay maisasayos na ang pagkakaroon nito.

Nais kong magpasalamat sa aking kaibigang si Mayor Amado Geneta ng Maria Aurora. Noong panahon ng ating pangangailangan ng lugar na mapagtatapunan ng basura, dahil sa naging problema sa daan papuntang MRF sa Brgy. Pingit ay hindi ako nagdalawang salita. Tayo ay pinayagan niyang pansamantalang makapaglagay ng basura sa kanilang bayan. Ito ay sa kabila ng mga negatibong reaksyon na natanggap niya sa kanyang pagtulong sa atin. Ganun din, kay Kapitana Ella Cherryl Villacorte ng Brgy. Calabuanan, na kung saan ay nagkaroon tayo ng pansamantalang MRF sa kanilang barangay at lalo’t higit kay G. Chitoy Samano na may-ari ng lupang ginamit.

Sa kasalukuyan, patuloy ang operasyon ng ating Material Recovery Facility (MRF) at nagsisilbi ring Temporary residual containment area sa Brgy. Pingit. Regular din na isinasagawa ang koleksyon ng basura sa Barangay Poblacion, pampublikong lugar at sa ating palengke. Tayo ay may mga makinarya para sa compost processing at pagbuo ng bricks at iba pa. Noong nakaraang taon, may higit anim na libong (6,000) piraso ng bricks na nagawa at higit fifteen thousand (15,000) kilong compost (Pataba) mula sa mga basurang nabubulok.

Pinasimulan din po natin taong 2014 ang programang “Balik Basura, Palit Gamit Eskwela” sa Baler National High School. Hinihikayat po nito na makiisa ang ating mga kabataan sa pamamagitan ng pagiipon ng mga nareresiklung basura kapalit ay gamit sa paaralan. At upang mapalawak ang kaalaman ng ating mamamayan at mga institusyon sa maayos na pamamahala ng basura, tayo po ay nagkaroon ng Search for Best Solid Waste Management Implementor. May dalawang (2) kategorya po sa barangay at sa paaralan. Ito po ay matagumpay na naisakatuparan dahil sa inyo na ring aktibong pakikiisa sa programa.

Nais ko ding magpasalamat sa pamunuan ng Lingap Baler Multi-purpose Cooperative (LBMPC) sa patuloy na pagsuporta sa programa ng pamahalaang bayan patungkol sa kalinisan at pangangalaga sa ating likas na yaman. Sila ay nagbigay ng mga Mini MRF at mga kagamitang panlinis. Gayundin ang ibat-ibang grupo na patuloy na nagbibigay ng suporta sa mga adbokasiya ng inyong lingkod para sa kapaligiran.

Bilang tugon po sa malawakang suliranin sa pagkasira ng ating kabundukan, ang pamahalaang lokal sa pakikipag-ugnayan sa DENR ay nagpapatupad ng Greening Project sa ilalim ng Bottom Up Budgeting. Sa kabuuan ay may isinasaayos na one hundred fifty-four (154) ektaryang Timber Plantation sa Brgy. Zabali at umaabot ng seventy-seven thousand (77,000) na puno ang dito ay naitanim na. Mahalaga ang proyektong ito upang mapanumbalik ang ganda ng ating kagubatan bilang pangunahing hinahangaan ng mga turista dito sa ating bayan.

Ikinagagalak ko pong ipabatid na sa nakalipas na higit dalawang taon ng aking panunungkulan ay nakapagkamit tayo ng ikalawang puwesto sa Urban Category sa Gawad Punong Lalawigan Search for Cleanest and Greenest Municipality.

Dito naman po sa REVENUE GENERATING MEASURES TO INTENSIFY

Ang Bayan ng Baler ay isa sa mga bayan ng Aurora na may pinakamaliit na natatanggap na Internal Revenue Allotment o IRA mula sa ating national government. Ngunit, ito ay hindi hadlang upang hindi tayo makapagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan. Kailangan nating maging self-reliant. Kaya ang pagpapataas ng kita o revenue generation intensification ay isa sa ating binigyang pansin.

Ang Tanggapan po ng ating Ingat-Yaman sa pangunguna ni Gng. Sumilang R. Villaflor ay nagtala ng pagtaas ng koleksyon noong 2015, tayo ay may koleksyon na Thirty-two million seven hundred eighty one thousand pesos (Php 32,781,000.00) kumpara noong 2014 na higit Twenty-four million, eight hundred sixty eight thousand pesos (Php 24,868,000.00). Ito po ay tumaas ng thirty two (32%) o higit pitong milyong piso (Php 7M). Ang collection efficiency po ng ating local revenues ng nakaraang taon ay 126%, nangangahulugan po na nalampasan ng actual income o actual collection ang estimated income o yung tinatarget na collection. Sa kauna-unahang pagkakataon po sa loob ng mahabang panahon ay atin po itong narating at nagawa.

Dahil po sa mataas na naitalang koleksyon sa ating local sources, ang Bayan ng Baler ay may fifty eighty percent (58%) na lang na IRA Dependency Rate. Ito po ay nangangahulugan na kahit po madelay ang pagdating ng ating IRA ay may sapat pa din po tayong pambayad sa mga gastusin sa pamamagitan ng ating local revenues.

Idagdag ko din po na ang lahat ng nakokolektang buwis at pataw ng ating pamahalaang bayan ay agarang naireremit at nailalagak sa mga bangko araw araw.

Ang atin naman pong Municipal Assessor’s Office sa pangunguna ni G. Ramil M. Porquerino ay nagtala ng higit sa one hundred six million six hundred thousand pesos (Php 106,600,000.00) na taxable real property assessment. Ang tala pong ito ay mayroong naging pagtaas ng higit fourteen percent (14%) kumpara noong taong 2014. Ito po ay magbibigay ng malaking koleksyon para sa ating Real Property Tax. Dahil dito, ang Baler po ang siyang nanguna sa mga pagtatasa sa buong lalawigan ng Aurora.

Binabati ko ang bawat tanggapan sa ating pamahalaang bayan na bumubuo sa ating mga income generating offices tulad ng Municipal Treasury – Gng. Sumilang R. Villaflor, Municipal Assessor – G. Ramil M. Porquerino, BPLO – Gng. Nanie A. Dumpit, Engineering – Engr. Raul A. Egrague at Zoning – G. Benjamin R. Hungriano, Environment – Gng. Ma. Liza V. Costa, Health – Dr. Nenita S. Hernandez, MCR – G. Efren E. Abion, PNP, BFP – SFO2 Maria Leah A. Sajili, Agriculture – Gng. Susan F. Rutaquio, MTFRB – sa pangunguna ni Vice-Mayor Karen G. Angara-Ularan at ang ating mga Economic Enterprise gaya ng ating Public Market – G. Irwin V. Lombres, Slaughterhouse – G. Isel B. Larosa, Central Terminal – G. Benny V. Roque, Fishport – G. Johen D. Villareal, Museo De Baler at Dona Aurora House – Gng. Riza P. Del Rosario na nakatulong upang marealize natin ang nasabing mga accomplishments.

Para naman sa mga programa sa ilalim ng HEALTH CARE

Isa din sa pangunahing programa ng ating administrasyon ay maipagpatuloy ang mga proyektong may kinalaman sa kalusugan ng ating mga kababayan.

Regular ang ating pagsasagawa ng mga dental at medical missions sa iba’t-ibang barangay sa tulong ng Municipal Health Office sa pangunguna ni Dr. Nenita S. Hernandez upang mailapit natin ang serbisyong medical sa ating mga kababayan lalo na ang mga naninirahan sa malalayong lugar. Noon lamang pong buwan ng Pebrero ay nagsagawa ang Rotary Club of San Diego Valley, California sa pakikipag-ugnayan sa ating pamahalaang bayan ng free medical and dental mission na nakatulong sa higit isang libo (1,000) nating mga kababayan. Nagkaloob din po sila ng One thousand five hundred thirty-five dollars ($1,535) na nakalaan para sa clean water project ng ating pamahalaan.
Patuloy, din ang libreng konsultasyon sa ating mga health centers at tayo ay nagbibigay ng mga libreng gamot para sa mahihirap nating mga kababayan.
Ang atin pong mga health workers ay nagsasagawa din ng mga libreng pagbabakuna lalo na sa mga sanggol, kababaihang nagdadalantao at sa mga senior citizens, ito po ay upang makaiwas at masugpo ang malulubhang mga karamdaman. Higit sa walong libong (8,000) iba’t-ibang klaseng bakuna ang naipagkaloob din natin sa kanila.

Sa kasalukuyan po ay bukas na ang ating birthing facilities sa ating health center para sa ating mga kababayang buntis at dito po ay may midwife na nakaduty.
Para naman sa dental care, mayroon pong mahigit isang libong (1,000) mga kabataan ang pinagkalooban ng Basic Oral Health Care (BOHC) na kinapapalooban ng pagbunot, paglinis at pagtuturo ng wastong pagsi-sipilyo sa kanila.
Mayroon din pong itinalaga ang Department of Health na mga nurses sa ilalim ng programang RN-Heals upang maging katuwang natin sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa ating mga barangay.

At bilang bahagi pa rin sa paglingap sa ating mga kababayan, ang ating pamahalaan ay naglaan ng pondo para mabigyan ng Philhealth ang may one hundred ninety-eight (198) pamilyang mahihirap sa ating bayan. Ito ay lubos nilang napapakinabangan lalo na sa pagpapagamot ng mga miyembro ng kanilang pamilya sa mga pagamutang accredited ng Philhealth.

Para naman sa Pagawaing Bayan O IMPROVEMENT OF INFRASTRUCTURE; PROMOTION OF TOURISM AND INVESTMENT

Sa Inprastraktura

Tayo po ay nagbibigay ng prayoridad sa mga pagawaing bayan para masuportahan ang paglago ng ating ekonomiya o kalakalan. Patuloy po nating isinasaayos ang ating mga kalsada, dahil ito po ay mahalaga para makatulong sa pagdadala ng ating mga pangunahing produkto at serbisyo. Sa ilalim po ng BUB Fund sa pamamagitan ng DILG ay nakapagbukas po tayo ng daan sa Sitio Dipanamianan at Puntangan sa Brgy. Pingit. Naipakonkreto din po natin ang dalawang (200) daang metrong kalsada, muli ay sa Sitio Dipanamianan. Ang mga proyekto pong ito ay nagkakahalaga ng halos Dalawang milyong piso (Php 2M).

Ayon sa talaan ng ating Municipal Engineering Office sa pangunguna ni Engr. Sofronio Raul A. Egargue sa loob ng higit dalawang taon ay nakapagpagawa tayo ng mga infrastructure projects na may kabuuang halagang halos Sampung Miyong piso (Php 10M). Ang pondo po ay nagmula sa ating 20% Development Fund na nakapagpaayos ng mga ilan sa ating pambayang gusali.

Upang makabahagi din tayo sa pagkakaroon ng karagdagang atraksiyon sa turismo, tayo ay nagsagawa ng proyektong tulad ng Construction ng View Deck sa Fishport, ganun din tayo ay nakapagpatayo ng sampung (10) cottages sa Sitio Digisit.

Para sa Turismo

Sa larangan naman ng turismo, ang ating bayan ay patuloy na dinadagsa ng maraming turista. Kaya, ang iba’t-ibang programa sa mga malalaking TV Networks ganun din ang mga publications ay patuloy na tinatampok ang Bayan ng Baler.

Tayo po ay kasalukuyang nagpapagawa ng tourism brochure na may kumpletong detalye patungkol sa ating bayan, sa ating mga tourist attractions at maging ang directory ng ating mga accommodations at mga kainan. Ito po ay napondohan sa ilalim ng BUB.

Sa pamamagitan ng ating Municipal Tourism Office sa pangunguna ni Gng. Riza P. Del Rosario ay naiorganisa ang ilang mga grupo gaya ng Transient House Operators, Tour at Trikeguides, ang ating mga Souvenir Shops at ganun din ang mga magsusuman. Pinapahalagahan din po natin ang grupo ng Hotel at Restaurant Operators, grupo ng transportasyon, at ang grupo ng ilan pang tourism related business, dahil sila ay kaagapay ng ating pamahalaang lokal upang patuloy na mapagyaman ang industriya ng turismo sa ating bayan.

Nais din nating palakasin ang mga negosyong may kinalaman sa ating Turismo. Kaya nagsasagawa po tayo ng Summer Caravan na nagsisimula mula buwan ng Marso o Abril at Christmas Bazaar tuwing panahon ng kapaskuhan. Dito ay patuloy na naipapakilala natin ang ating mga lokal na produkto ganun din nagkakaroon ng pagkakataon ang ating mamamayan na madagdagan ang kanilang mga kinikita.

Noong ika-1 ng Disyembre 2014 ay ganap nang pinagtibay ang pagiging magkapatid at magkaibigan ng Lungsod ng Quezon at ng Bayan ng Baler – ang lungsod na nilikha ng dating Pangulong Quezon at ang bayan ng kanyang kapanganakan. Ang nasabing kasunduan ay nagpapakita ng pag-iisa ng dalawang bayan sa kasaysayan at kultura at patuloy na pagkakaroon ng pagkakaunawaan, pagkakaibigan at kapayapaan. Nangako ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon sa pamamagitan ng kanilang Punong Lungsod na si Kgg. Herbert Bautista ng kanilang suporta at tulong sa ating bayan.

Para sa Investment

Bilang sentro ang Bayan ng Baler ng komersyo at turismo, madaming mga kapitalista ang nagtayo ng kanilang mga negosyo hindi lamang mga tubong taga-Baler kundi madami ding mga malalaking kompanya na pag-aari ng mga dayuhang negosyante. Sa katunayan ayon sa talaan ng ating Business Permit & Licensing Division sa pangunguna ni Gng. Nanie Amat Dumpit ay tumaas ng thirty six percent (36%) ang nakarehistrong negosyo mula noong 2014 at 2015 kumpara sa nairehistro noong 2013. May kabuuang one thousand five hundred (1,500) na negosyo ang ating naitala ng 2015 at tatlong (300) daan po dito ay mga bagong negosyo.

Mahigit namang Isang bilyong piso (P1,000,000,000.00) ang total investment ng ating mga negosyante noong 2015, ito ay base sa kanilang dineklarang capitalization at gross receipts sa taong kasalukuyan. May mga malalaking negosyo ang nagbukas sa ating bayan sa loob ng nakarang dalawang taon, ilan sa mga ito ang NE Baler at ang Costa Pacifica. Nagtayo din ang dalawang malaking commercial banks, gaya ng RCBC at China Bank, at sa taon pong ito ay magbubukas din ang Philippine National Bank. Ang mga kaganapang ito ay tanda ng pag-angat ng ekonomiya at malaki ang perang umiikot sa ating lokal na kalakalan.

Isa ding naging resulta sa pagdagsa ng turista ay ang pagtatayo ng iba’t-ibang mga gusali lalo na ang mga transient, resort, lodging inns at mga hotel. Sa katunayan may seven hundred ninety-eight (798) building permits ang naitala sa Tanggapan ng ating Municipal Engineer mula taong 2014 hanggang 2015.

Ang sektor ng mga mangangalakal ay malaki ang naging tulong sa pagbibigay ng hanap-buhay sa ating mga kababayan. Sa katunayan tayo po ay nakapagtala ng higit sa dalawang libong (2,000) empleyado mula sa mga idineklarang tauhan ng ating mga negosyo. Sila din ay malaki ang naging kontribusyon sa pagtaas ng koleksyon ng ating pamahalaang lokal.

Para sa GOOD GOVERNANCE

Sa aking pagtakbo noong nakaraang eleksyon bilang Punong Bayan, marami pong nagtaas ng kilay, nagtawa at masasabi kong nagtanong sa aking kakayahan. Ito ay aking inaalala dahil ito po ay patuloy na nagpapatibay sa akin at nagsilbing inspirasyon upang pagbutihin ko ang aking panunungkulan bilang inyong Punong Bayan.

Ang inyong lingkod ay nanggaling sa mahirap na pamilya. Ako po ay matagal na nagtrabaho sa ibang bansa at bilang isang lingkod bayan, ako ay nagsimula sa mababang posisyon hanggang sa marating ko ang aking posiyon ng pagiging Punong Bayan. Nahalal ako bilang Miyembro ng Sangguniang Bayan ng dalawang termino at bilang inyong Pangalawang Punong Bayan ng tatlong termino. Masasabi ko pong ako ay bunga ng isang karanasan kaya ako ay naniniwala na ang katungkulan ko ngayon ay pinagkaloob ng ating Panginoon dahil batid Niya ang laman ng aking puso ay ang makapaglingkod sa inyo.

Ayaw kong mabahiran ang aking panunungkulan ng mga isyung may kinalaman sa korapsyon na laganap sa ating bansa. Sa tulong ng ating Local Finance Committee ay nakakasunod tayo sa Full Disclosure Policy na ipinatutupad ng national government na naglalayong magkaroon ng transparency upang lalong maunawaan ng ating mga kababayan kung saan ginugugol ang kabang yaman ng ating pamahalaang lokal.

Dahil din dito, minabuti po nating magkaroon ng official website ang Pamahalaang Bayan ng Baler kung saan nakalagay ang ating mga serbisyo, mga programa, proyekto at ating mga gawain sa pamahalaang bayan. Para din tayo ay magkaroon ng mabilis na pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang sangay ng ating pamahalaan, sa ating mga investors, sa ating mga kababayang nasa ibang bansa ganun din ang ating mga mamamayan upang mabatid nila ang lahat ng mga pagbabago at kaunlarang nagaganap sa ating bayan.

Noong taong 2014 tayo po ay nakapaglaan ng halagang higit sa Thirteen Million pesos (Php 13M) sa ilalim ng 20% Development Fund at ito po ay tumaas ng may labindalawang (12%) bahagdan sa taong 2015 sa halagang higit sa Fifteen Million pesos (Php 15M). Sa pamamagitan po ng ating Municipal Planning & Development Office sa pangunguna ni Engr. Manuel Q. Hernandez ay taun-taon tayong nagsasagawa ng Annual Investment Plan at nabibigyang prayoridad ang mga programang tutupad sa mga adhikain para sa ating bayan.

Sa pangunguna din po ng ating Municipal Budget Office sa pangunguna ni Gng. Curie S. Bernardino na kung saan ang kanilang mandato ay maitaguyod ang maayos at epektibong pamamahala at paggamit sa pondo ng ating bayan. Tayo po ay nakapaglaan ng higit sa Ninety-five million pesos (Php 95M) na pondo para sa taong 2014 at ito po ay tumaas sa taong 2015 sa halagang higit One hundred eight million pesos (Php 108M). Ito po ay nagamit natin sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa ating mga kababayan at upang matugunan din ang mga pangangailangan ng bawat tanggapan para sa maayos na pamamahala sa ating Pamahalaang Bayan.

Gaya po ng mga pondong nababanggit kanina, ang Pamahalaang Bayan ng Baler ay napagkalooban ng pamahalaang nasyonal ng mga pondo mula sa Bottom Up Budgeting (BUB). Ito po ay pamamaraan ng pamahalaan sa paghahanda ng national budget na kung saan binibigyan ng konsiderasyon ang pangangailangan ng bawat bayan sa kanilang pag-unlad na makikita sa planong binuo ng Local Poverty Reduction Action Team (LPRAT).

Hayaan po ninyong ipakita namin sa inyo ang hanay ng mga proyekto sa ilalim ng pondo ng BUB mula taong 2014 hanggang 2016.

Ang lahat po ng mga proyektong ito maging ang mga regular na proyekto, ay dumadaan sa ating Bids and Awards Committee sa pangunguna ng ating MPDC.

Dumako naman po tayo sa aspeto ng pananalapi ng ating Pamahalaang Bayan. Ayon sa ating Municipal Accounting Office sa pangunguna ni Acct. Gemma B. Villareal, ang ating total revenue generated noong 2015 ay higit One hundred nine million pesos (Php 109M) at ang kabuuan ng naging gastusin para sa Personal Services, MOOE at iba pang operating expenses ay umabot ng higit sa eighty seven million (P87M). Noong 2014, ang ating retained operating surplus ay twelve million eight hundred ten thousand (Php 12,810,000.00). Ng matapos ang taong 2015, tayo ay nakapagtala ng Twenty-one million eight hundred thirty six thousand pesos (Php 21,836,000.00). Kaya, may kabuuan po tayong net operating surplus ng higit Thirty three million pesos (Php 33M) mula sa ating General Fund. Dito po ay makikita natin ang maayos na paggamit ng pondo ng pamahalaang bayan at patuloy na pagtaas ng ating kita kumpara sa ating operating expenses.

Ang ating Municipal Accounting Office bilang tumatayong internal auditor ay sinisiguro na ang lahat ng mga dokumento lalo na sa mga paggastos ng pera ng ating pamahalaan ay sumusunod sa tamang proseso. Dahil dito, sila po ay ating ipinagmamalaki dahil muli ay ginawaran ng Association of Government Accountants of the the Philippines at ng Commision on Audit sa dalawang sunod na pagkakataon mula 2014 at 2015 bilang isa sa Most Outstanding Accounting Offices of the Philippines.

Atin din pong ipinagpapatuloy ang Streamlining Program sa issuance ng mga permits bilang tugon sa Anti-Red Tape Act ng pamahalaan. Kaya sa pangunguna po ng ating BPLD ay sinikap natin ang pagkakaroon ng electronic Business Permit & Licensing System upang ating mabigyan ng mas mataas na kalidad ng serbisyo ang ating mga taxpayers, lalong mapataas ang ating collection efficiency, at patuloy na mapromote ang transparency at accountability. Sa kasalukuyan po ay nakabili na tayo ng mga makabagong kagamitan at nakapag-instila na ng linya o networking sa ating mga tanggapan. Dahil dito, ang Bayan ng Baler ay nangunguna sa Best LGU in the implementation of Documented Streamlined Procedures on the Issuance of Mayor’s Permit. Hayaan ninyong patuloy nating mithiin na makilala ang Bayan ng Baler bilang most business and investor friendly sa buong Central Luzon at sa buong Pilipinas.

Nais ko ding batiin ang ating Kagalang-galang na Sangguniang Bayan sa pangunguna ng kanilang Presiding Officer, Vice-Mayor Karen G. Angara-Ularan sa kanilang mga di matatawaran at mga mahahalagang batas o ordinansa na naipasa para sa kabutihan ng ating mga mamamayan. Sa katunayan noong taong 2015 sila po ay nakapagpasa ng forty-six (46) na ordinansa at eighty-seven (87) na mga resolusyon. Ang mg batas pong ito ay tunay na napapanahon at makatutulong sa patuloy nating pag-unlad.

Noong nakaraang taon po ay nakatanggap ng pagkilala ang ating bayan mula sa National Competitiveness Council sa pamamagitan ng Cities and Municipalities Competitiveness Index. Ito po ay taunang pagtatasa sa iba’t-ibang bayan at lungsod ng ating bansa sa kanilang naging performance sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa patungkol sa pang-ekonomiya, kagalingan sa pamamahala at inprastraktura.

Noong July 16 ang Bayan ng Baler ay ginawaran ng parangal para sa ikalawang pwesto sa Infrastructure Category at second placer sa 2015 Over-All Most Competitive Municipality para sa 3rd to 6th Class Municipalities sa buong bansa. Ang karangalang ito ay ating natanggap dahil sa collective effort, hindi lang po ng mga nasa pamahalaan kundi malaki ang naiambag ng bawat sektor sa ating lipunan lalo na po ang mga nasa pribadong sektor.

Nais ko din pong hingin ang pagkakataong ito na magbigay ng paliwanag sa mga isyung lumalabas patungkol sa parangal na tinanggap ng ating bayan partikular ang Kategorya sa Inprastraktura. Ang inyo pong lingkod ay kinikilala ang mga accomplishments o nagawa ng mga nakaraang pamunuan sa ating pamahalaang lokal. Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa kanila dahil ito po ay naging kapaki-pakinabang sa ating mga kababayan. Ang nasabi pong parangal ay hindi ko inaaring para sa akin kundi para sa ating lahat. Nililinaw ko po na kahit kailan ako ay hindi nang-aagaw ng anumang kredito kahit kanino. Kung titingnan po natin ang datos patungkol sa inprastraktura, hindi lamang po ang mga lansangan at mga gusali na nakatayo sa ating bayan ang kinokonsidera dito. Manapa’y, kasama po ang pagkakaroon ng mga basic utilities, transportation, accommodation, information and communication, health and education at maging po ang availability ng mga ATM machines. Siguro po kung may dapat bigyan ng kredito wala pong iba kundi ang ating pribadong sektor sapagkat sila po ang katuwang ng ating pamahalaan upang maibigay ang mga serbisyong ito sa ating mga kababayan.

Ang lahat ng parangal na ating natanggap ay nagpapakita na kaya nating makipagsabayan sa iba pang malalaking bayan at lungsod pagdating sa maayos na paglilingkod. Sana, ito ay magsilbing inspirasyon sa bawat isa sa atin upang lalo nating pagbutihin ang ating mga tungkulin.

Kaya, bigyan nga po natin ang Bayan ng Baler ng masigabong palakpakan.

Para naman sa HUMAN RESOURCE DEVELOPMENT

Ang lahat ng mga nabanggit kong mga proyekto at programa ay hindi natin maiisakatuparan kung wala tayong mga naging katuwang sa Pamahalaang Bayan ng Baler. Ang lahat ng gawain sa ating gobyerno ay hindi kayang gampanan ng iisa, kundi ito ay napapatakbo ng maayos dahil sa tulong ng bawat namumuno at ng mga empleyado nito. Ang lahat ay may malaking bahagi, kahit nasa mataas na posisyon o nasa pinakamababang posisyon. Kaya kung may isa o ilang hindi gumagawa ng kanilang mga tungkulin, may malaking epekto ito para sa kabuuan. Parati ko ngang sinasabi na tumuun tayo sa ating mga gawain, ito po ay pinagkatiwala sa atin at ito din ang ating pangunahing pinagkukunan, kaya dapat natin itong mahalin at dapat ingatan.

Tayo po ay nakapagdagdag ng humigit kumulang sa one hundred fifty (150) na Job-Order sa aking panunungkulan na siya nating pangunahing katuwang sa pagganap para sa kalinisan, siguridad at iba pang mga gawaing pampubliko.

Sa pamamagitan po n gating Human Resource and Management Office na pinamumunuan ni Gng. Nancy B. Tuzon, tayo din po ay patuloy na nakakapagbigay ng mga pagsasanay sa pakikipag-ugnayan natin sa Civil Service Commission at iba pang ahensya ng pamahalaan. Dahil po sa maayos na pakikipag-ugnayan at pagpapatupad ng mga polisiya at alituntunin ukol sa serbisyo sibil tayo ay bibigyan ng pagkilala sa PRIME-HRM ng Civil Service Commission.

Binigyang pansin din po natin ang paglagong ispiritwal ng bawat opisyal at empleyado ng ating Pamahalaang Bayan. Sa tulong ng grupo ng mga lingkod ng Diyos, tayo po ay nagsasagawa tuwing Lunes ng umaga ng pag-aaral ng Salita ng ating Panginoon. Kasabay ng paglinang sa iba’t-ibang aspeto ng buhay bilang isang lingkod bayan mahalaga na mabalanse ito sa pamamagitan ng matibay na pakikipagrelasyon sa ating Panginoon at sa malalim na pagka-unawa sa kanyang mga salita.

Kaya lubos ang aking panawagan sa aking mga kasamahang kawani na patuloy tayong magkaisa para sa kabutihan ng buong bayan ng Baler. Tayo ay may malaking tungkuling ginagampanan para sa ating bayan. Tayo ay isang pamilya at kayo ay tinuturing kong aking mga anak, kaya nais kong maging maayos ang ating samahan. Ako din ay naniniwala na ang pagtalima sa ating sinumpaang tungkulin bilang lingkod bayan ay tuwina at laging inaasahan ng ating mga kababayan.

Mga minamahal kong kababayan, alam kong madami pang hamon at pagsubok na darating sa ating bayan at sa aking panunungkulan bilang inyong Punong Bayan. Ngunit sa patuloy na tulong at suporta na nagmumula sa inyo ako po ay nagkaroon ng lakas upang lalung magsumikap sa aking paglilingkod.

Gusto ko pong bigyang diin na ang lahat ng ating naisagawa sa ilalim ng aking pamumuno ay hindi maiisakatuparan kung hindi po sa ating pagsasama-sama at pagtutulungan. Hindi ko po ito inaaring akin kundi ito po ay sa ating lahat at sa mga mamayan ng Bayan ng Baler.

Kung ako po ay inyong sasamahang muli ay nais kong kapit bisig tayong manahan sa isang matatag, maunlad, maayos at mapayapang Bayan ng Baler.

Sa darating na mga panahon ay nais nating magkaroon ang ating bayan ng isang Master Plan na kung saan ay bahagi ang ating Comprehensive Land Use Plan (CLUP) at Comprehensive Development Plan (CDP) na kinasasangkutan ng ibat-ibang sektor. Layunin ng Master Plan na ito na patuloy na maisaayos ang drainage at sewerage system, flood control, potable water system at iba pang proyektong pang-inprastraktura gaya ng mga daan, tulay at pampublikong gusali.
Sa katunayan, ay sisimulan na po ang pagtatayo ng Sabang Bridge na magdudugtong sa Sitio Tibag at Sitio Castillo na nagkakahalaga ng One Hundred forty million pesos (P140M) na kaloob sa atin ng Department of Public Works and Highways. Ito po ay magkakaroon na ng ground breaking ceremony sa mga susunod na araw.

Nais din ng inyong lingkod na ang bayan ng Baler ay maging venue ng pangrehiyon at pambansang palaro na direkta ding sumusuporta sa pagpapataas ng industriya ng turismo. Kailangan po nating magkaroon ng isang malawak na lupain kung saan ating itatayo ang modernong Convention Center at Sports Facilities.

Gayun din, gusto natin na magkaroon pa ng sapat na heavy equipments, ambulance at mga service vehicles na siyang pangunahin nating kailangan lalo na sa panahon ng kalamidad.

Ang mga plano at pananaw pong ito ay hindi natin kakayaning mag-isa kung kaya’t nais nating palakasin pa ang pakikibahagi at pakikisangkot ng mga pribadong sektor mula sa hanay ng magnenegosyo at gayun din sa mga Civil Society Organization. Magiging katuwang din natin ang iba pang ahensya ng pamahalaan gayun din ang mga foreign funding institution. Patuloy po nating kakalingain ang mga pamilya, mga kababaihan, mga kabataan, PWD at lalong higit ang ating mga Senior Citizen na kung saan ngayong taon at sa darating pang mga panahon ay siyang magiging sentro ng programang pangkagalingan at pangkaunlaran.

Bago po ako magtapos ay nais ko pong bigyang linaw ang ilan sa mga isyung pinupukol sa inyong lingkod.

Una ay ang patungkol sa basura.
Ang Pamahalaang Bayan at Pamahalaang Panlalawigan ay magkatuwang para mabigyan ng solusyon ang problema sa basura. Sa katunayan po, ang atin pong Pamahalaang Panlalawigan ay may nabiling lupa upang pagtayuan ng sanitary landfill at naglaan pa ng humigit kumulang sa Walong Milyong Piso (P8.0M) para sa proyektong ito. Sa panig naman po ng pamahalaang bayan, tayo po ang nanguna para maisaayos ang mga dokumento ng nasabing lupa at nag laan din ng Dalawang Milyong Piso (P 2.0M) bilang counter part. Napakahaba po ng mga pinagdadaanang proseso para ito ay maipagkaloob sa atin dahil ito ay nasa ilalim ng CLOA at nakapangalan pa sa tatlong pamilya. Sa ngayon po ay hinihintay na lang natin ang clearance na magmumula sa Department of Agrarian Reform para tuluyan ng maipangalan sa Provincial Government of Aurora. Ako po ay lubos naniniwala, na kapag nangyari ito ay daglian nila itong ipagkakaloob sa atin at ng matutugunan na po natin ang problema sa basura.

Pangalawang isyu po. . . ay ang kaso na isinampa sa OMBUDSMAN sa akin at sa 9 na kasapi ng sangguniang bayan at 2 pang pinuno ng tanggapan. Ang bintang po patungkol sa overpricing ng isang proyektong ating isinagawa ay sinagot na sa pamamagitan ng COA Report na naglalahad na ang lahat ng dokumento ng nasabing proyekto ay kanilang pinag-aralan at sinuri at napatunayang maayos at naayon sa tinatadhana ng accounting rules and regulation.

SA PANGWAKAS PO ay nais kong samantalahin ang pagkakataong ito, gusto ko pong makapagpasalamat sa aking mga kasamahang nanunungkulan sa ating Pamahalaang Bayan, sa inyong patuloy na pagsuporta sa ating mga programa. Sa mga pinuno ng bawat tanggapan at sa mga kasamahang empleyado. Sa atin pong mga Punong Barangay, sa inyong suporta at patuloy na pakikipagtulungan. Sa mga pinuno ng mga tanggapang nasyonal ganun din sa ibat-ibang sektor ng ating lipunan.

Sa inyo po na aking mga kababayan, maraming salamat sa inyong lahat. Sana ay huwag tayong mawalan ng tiwala sa isa’t isa at patuloy tayong magtulungan at magkaisa. Hinihiling ko na ipagdasal natin ang ating bayan maging ang mga namumuno dito. Sapagkat ako po na kung tayo ay magkakawatak-watak ay tayo ay babagsak at kung tayo naman ay magkakaisa ay mararating natin ang minimithi nating tagumpay para sa atig bayan.

Higit sa lahat, ang pasasalamat at papuri ay binabalik ko sa ating Panginoong Diyos, sa kanyang pagpapala at proteksyon. Alam kong madami pa tayong pagdadaanan upang marating natin ang ating minimithing kaunlaran at mapagtagumpayan natin ang mga hamon ng kasalukuyang kalalagayan ng ating bayan, subalit dahil sa matibay na commitment ng bawat namumuno at ng buong mamamayan; at dahil din sa matinding pag-ibig at gabay ng ating Panginoon, ang lahat ay magiging posible para ang Bayan ng Baler ay maging isang mabuting bayan.
SOAR HIGH BALER!

MARAMING SALAMAT PO SA INYONG LAHAT AT NAWA’Y PATULOY NA PATNUBAYAN TAYO NG POONG MAYKAPAL.

Download PDF File

About Author: admin